Sunday, September 20, 2015

Kabataan Ang Pag-asa Ng Bayan

"Kabataan ang pag-asa ng bayan," Sabi nga ng ating pambansang bayani.







Isa lamang iyan sa mga sikat na kataga dito sa Pilipinas. Kung atin pang lalaliman ang ating pag-iisip, makikita natin na tunay ngang kabataan ang magbabago sa bayan sapagkat sila ang bubuo sa mga henerasyon ng makabagong panahon, ang panahon kung saan ang mga suliranin ay mas nagiging komplikado kumpara noong araw. Ngunit hindi ibig sabihin nito na ang mas naunang henerasyon ay wala nang magagawa para sa bayan. Sa katunayan, sila ay kailangan ng mga kabataan upang gabayan sila sa tamang landas. Sa kanila nakasalalay ang paglaki at pag-iisip ng kabataan sapagkat sila ay nagsisilbing halimbawa, kaya kung tutuusin, ang mas nakakatanda ang pag-asa ng kabataan.

Bata pa lamang, dapat ipinapakilala na ang wikang Filipino sa mga batang Pilipino. Dapat iminumulat na sila sa ating lahi, sa ating kultura, sa murang edad nang sa gayo'y mas maunawaan nila ang kahalagahan at tungkulin ng pagiging tunay na pag-asa ng bayan. Isang halimbawa ng hindi pagbibigay ng kamalayan sa bata tungkol sa bagay na ito ay ang ating wika na natatabunan na ng iba, kagaya na lamang ng wikang ingles na nakasanayan na din natin sa ating pang araw-araw na salita at pakikipagkomunikasyon sa bawat isa. Hindi maling pag-aralan at matutunan ang ibang lengwahe, ngunit hindi dapat natin kalimutan ang sariling atin.

Higit na makakatulong sa pagunlad at pagbangon ng ating wika kung mas tutuunan ng pansin ang mga kabataan na siyang may kapangyarihan upang mapalago ang wikang Filipino kahit na sa makabagong henerasyon. Mahalin ang sariling atin. Ang wika natin ay atin, kaya dapat itong mahalin.

No comments:

Post a Comment